Salimuot [Mesandel Virtusio Arguelles]

Naniniwala ako na ang tula, sa esensiya, ay kaugnay, kung hindi man agarang sinonimo, ng kagandahan. Kaya madalas, sa aking bokabularyo, hindi ko matanggap kapag sinabing “pangit na tula.” Para sa akin, walang pangit na tula. Sa isang banda, hindi ko naman itinuturing na kalabisan kung sasabihing “magandang tula.” Ano’t anuman, ang mayroon lang, sa palagay ko, ay tula. Ang iba ay maibibilang na sa mga kategoryang pangit na berso at hindi tula.

Napakahigpit ng mga kahingian at pamantayan ng tula. Kahit pa nga sabihing ang mga kahingian at pamantayang ito ay subhetibo, nananatili ang mga itong napakahigpit sa tunay na makata. Kahit pa nga muli’t muling itatanong at hindi talaga matitiyak kailanman kung ano nga ba ang mga kahingian at pamantayang ito ng tula, nananatili ang mga itong nakaugat sa konsepto ng kagandahan, ng malawak na kagandahang sumasakop maging sa ating mga preperensiya at pagkakaiba ng pagtingin.

“Ang kagandahan ay masalimuot,” wika ni Ezra Pound. Mahirap itong pasubalian. Tumingin lang tayo sa paligid at kahit anong likha na nagtataglay ng kagandahan ay nagtataglay ng salimuot. Ang tula, na isang likhang sining, na nagtataglay ng kagandahan kung gayon ay nagtataglay ng salimuot. Tila nga komplemento ng kagandahan ang salimuot. At ang totoo, kahit ang pinakasimpleng tula ay nagtataglay ng salimuot. Sapagkat kung ang simple ay maganda (dahil wala ring simple na pangit—maiaakyat lang ang simple sa “maganda” ngunit hindi maibababa sa “pangit”), ito kung gayon ay may salimuot.

Maidaragdag ding wala naman talagang simpleng tula. Maaaring sa ating pagbasa, simple ang isang tula. Simpleng presentasyon, malinaw; nauunawaan natin o madaling nauunawaan. Ngunit ang proseso ng pagtula ay hindi simple lang. Walang mga linyang sukat mahulog lang sa pahina. Kahit iyong mga sinasabi nating “handog na tula” o “galing sa musa.” Dumadaan ang lahat sa paghuhubog ng makata. Samakatwid, kung ang nababasa natin ay isang simpleng tula, iyon ay patunay ng husay ng makata. Kinakalas wari ng makata ang salimuot ngunit hindi tinatanggal. Nananatili ang salimuot at mababakas sa pinakapayak mang tula ang talinong umiiral at naghahawak dito, na gaya rin ng naghahawak dito sa isang masalimuot na tula.

May kagandahan ang salimuot. Kaya iba ang “salimuot” sa “kaguluhan.” Totoong may kahirapan ang masalimuot na tula ngunit maaari itong mapasok at sa gayon ay makapagpayaman sa ating pagdanas sa tula. Ang masalimuot na tula ay masasabing may “maayos na kaguluhan” at handang magpaubaya sa maalam na mambabasa. Handang magpakalas-magpabuo-magpakalas-magpabuo ang salabid ng lohika at katwiran sa pang-unawa. Ang salimuot ay nagpapalawak pa sa abot ng tula at sa pagdanas dito ng mambabasa. Ang kagandahan ng salimuot ay pinahihintulutan tayo na maging bahagi ng ganitong pagpapalawak kung ibig natin. Ang salimuot bilang taglay ng kagandahan, bilang taglay ng tula ay hindi iyong nagtataboy ng ating interes kundi iyong pumupukaw at nag-aanyaya sa atin sa mabungang pagpaloob sa tula.

ni Mesandel Arguelles

Comments

Popular Posts